FDA, nagbabala laban sa online selling ng branded COVID- 19 vaccines
Muling nagbabala ang Food and Drug Administratio sa mga umano’y Covid-19 vaccine na ibinebenta online.
Sa isang advisory, partikular na binalaan ng FDA ang publiko laban sa mga ibenebentang COVID-19 vaccines gaya ng AstraZeneca, Pfizer at Moderna sa ilang Online Selling Platforms at maging sa Social Media.
Giit ng FDA, isa itong scam na layong linlangin ang mga kababayan natin lalo ang mga Overseas Filipino Workers na mayroong preferred na brand ng bakuna.
Ang modus operandi umano ng mga scammer na ito, nag-aalok ng promo deal gaya ng buy 2 take 1.
Kapag kumagat ang binebentahan at umorder na ito, magcha-chat ang seller at magbibigay ng kanyang private contact number na madalas ay Viber, WeChat o WhatsApp.
Hihilingin nito na mabayaran muna ang inoorder na produkto gamit ang online payment.
Pagkatapos nito, may magpapadala ulit ng mensahe para humingi naman ng delivery at insurance fee.
Pero kahit mabayaran ang lahat ng ito, walang bakuna na darating.
Binigyan diin ng FDA na ang lahat ng bakuna na ginagamit ngayon ay sa ilalim palang ng Emergency Use Authorization kaya hindi pa ito pwedeng ibenta sa merkado.
Libre rin ang mga bakuna na ito na ibinibigay ng gobyerno.
Babala ng FDA, ang pagbebenta ng Covid-19 vaccine sa bansa ay kasalukuyang ipinagbabawal at may katapat na parusa.
Madz Moratillo