Pagkalat ng mga imported na gulay sa mga pamilihan, iimbestigahan na rin ng Senado
Pinaiimbestigahan na rin sa Senado ang pagkalat sa merkado ng mga imported na gulay tulad ng carrots at repolyo.
Naghain na ng Senate Resolution No. 922 si Senador Francis Pangilinan para hilingin sa Senado na alamin ang ginagawang hakbang ng Department of Agriculture at iba pang ahensiya ng pamahalaan para protektahan ang mga lokal na magsasaka.
Kailangan aniyang gumawa ng hakbang ang pamahalaan para mapigilan ang smuggling ng gulay na pumapatay sa kabuhayan ng mga lokal na magsasaka.
Nababahala si Pangilinan dahil baka ang mga smuggled na gulay ay may mga peste at sakit na maaaring magdulot ng banta sa kalusugan ng publiko.
Paalala ng Senador, ang pagpasok ng mga smuggled na karneng baboy ang dahilan kaya napasok ng African Swine Fever ang local hog industry.
Nauna nang inamin ng DA na naipuslit ang mga imported na gulay kaya hindi ito dapat tangkilikin ng publiko.
Meanne Corvera