Julian Ongpin ipinatawag ng NBI para magbigay ng pahayag sa pagkamatay ng artist na si Bree Jonson
Kinumpirma ni Justice Sec. Menardo Guevarra na pinadalhan ng subpoena ng NBI si Julian Ongpin para hingan ng pahayag ukol sa pagkamatay ng artist na si Bree Jonson.
Ayon kay Guevarra, pinahaharap ng NBI sa tanggapan nito si Ongpin sa Miyerkules, Oktubre 6.
Ang NBI ay nagsasagawa ng hiwalay na imbestigasyon sa pagpanaw ni Jonson.
Si Ongpin na anak ng negosyante na si Roberto Ongpin ay iniimbestigahan sa isyu dahil ito ang huling nakitang kasama ni Jonson noong Setyembre 18.
Natagpuang walang malay ang painter sa kuwarto sa isang resort at kalaunan ay idineklarang dead on arrival sa ospital.
Inihayag ni Guevarra na bukod sa hiwalay na otopsiya sa mga labi ni Jonson ay nagsasagawa na rin ang NBI ng forensic at hispathological examinations bago ilabas ang findings nito.
Kinuhanan na rin aniya ng NBI ng testimonya ang mga taong kasama nina Ongpin at Jonson noong gabi bago namatay ang artist.
Una nang dumalo sa pagdinig ng DOJ si Ongpin noong nakaraang Biyernes kung saan naghain ito ng kontra salaysay sa reklamong possession of illegal drugs na isinampa laban dito ng La Union PNP.
Ang nasabing kaso laban kay Ongpin ay nag-ugat sa 12.6 grams ng cocaine na nakita sa kuwarto na kinaroroonan nila ni Jonson.
Wala namang impormasyon si Guevarra sa isyu ng sinasabing nawawalang organs ni Jonson.
Sinabi ng kalihim na walang binanggit ang NBI ukol sa missing organs rumors.
Ipagpapatuloy naman ng DOJ sa Oktubre 8 ang pagdinig sa reklamo laban kay Ongpin at pagkatapos ay idideklara na itong submitted for resolution.
Moira Encina