NBI magsasagawa ng case build-up sa mga pulis na sangkot sa 52 anti-illegal drugs operations na nagresulta sa pagkamatay ng mga suspek

Iiendorso ng DOJ sa NBI para sa case build-up ang nirebyu nitong 52 PNP anti-illegal drugs operations kung saan may namatay na mga suspek.

Sinabi ni Justice Sec. Menardo Guevarra na bukod sa case build-up ay maghahain din ang NBI ng reklamo laban sa mga sangkot na pulis kung may makalap na sapat na ebidensya.

Ayon sa kalihim, nagkasundo sila ni PNP Chief Guillermo Eleazar na magtutulungan ang DOJ at ang Pambansang Pulisya sa nasabing hakbangin.

Una nang nirebyu ng DOJ ang 52 drug death cases na kinasasangkutan ng 154 pulis.

Ipinabatid ni Guevarra kay Eleazar sa ginawa nilang pagpupulong noong nakaraang Biyernes na batay sa mga nakalap na facts ng PNP Internal Affairs Service (IAS) ay hindi lamang administratively liable ang mga pulis na sangkot sa mga nasabing operasyon.

Lumalabas din aniya na may kriminal na pananagutan ang mga pulis base na rin sa mga ebidensya.

Moira Encina

Please follow and like us: