IBP hinimok si PRRD na irekonsidera ang kautusan nito na nagbabawal sa mga gabinete nito na dumalo sa mga pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee
Nanawagan ang Integrated Bar of the Philippines (IBP) kay Pangulong Rodrigo Duterte na irekonsidera ang direktiba nito sa mga opisyal at kawani ng Executive Department na huwag dumalo sa mga pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ukol sa mga biniling COVID-19 supplies.
Sa statement na pirmado ng mga opisyal ng IBP, binanggit nito ang ruling noong 2006 ng Korte Suprema na nagsasabing nasa kapangyarihan ng Kongreso na i-compel ang pagdalo ng mga nasa ehekutibo alinsunod na rin sa Saligang Batas.
Ayon sa IBP, tinukoy din sa desisyon ng Supreme Court na bagamat co-equal branch ng ehekutibo ang lehislatura ay hindi nito maaaring hadlangan ang kapangyarihan ng Kongreso na bumuo ng batas sa pamamagitan ng pagtanggi sa hinihingi nitong impormasyon.
Iginiit ng grupo na sa pamamagitan ng pagbibigay sa Kongreso ng libreng access sa impormasyon ay mai-empower ito sa pagbuo ng mga polisiya na lubusang sumasalamin sa nais ng taumbayan.
Imperative anila sa pamahalaan na labanan ang katiwalian at tumulong sa halip na hadlangan ang alinmang imbestigasyon na naglalayong tukuyin ang ugat ng kurapsyon at mga nasa likod nito.
Umapela naman ang IBP sa ehekutibo at lehislatura ng pagkakaisa at magtulungan sa paglaban sa mga kurapsyon at abuso.
Moira Encina