Kampo ni BBM nanawagan ng imbestigasyon sa iligal na paggamit ng emergency blast
Suportado ng kampo ni dating Sen. Bongbong Marcos ang panawagan ng National Telecommunications Commission (NTC) na imbestigahan ang iligal na paggamit ng emergency alert notification text na naglalaman ng pro-BBM na mensahe.
Ang emergency blast ay naganap sa panahon ng paghahain ni Marcos ng kanyang kandidatura sa pagka-pangulo.
Sa isang statement ng Chief of Staff ni BBM na si Atty.Victor Rodriguez, sinabi nito na ang nasabing insidente ay isa sa mga demolition jobs ng mga taong gustong sirain ang kandidatura ni Marcos.
Aniya nakatanggap din mismo si Marcos at ang kanyang pamilya ng parehong alert notifications.
Iginiit ni Rodriguez na hindi dapat pamarisan ang mga nasabing pailalim na galaw ng alinmang grupo para i-trivialize ang emergency blast na layong babalaan ang mga Pinoy sa mga nakaamba o aktuwal na sakuna o post-disaster scenario.
Umapela ang kampo ni Marcos sa mga nasa likod ng anila’y “despicable” na gawain na huwag guluhin ang functioning government system na layong sumagip ng mga buhay para lamang isulong ang kanilang agenda na idiskaril ang kandidatura ni BBM.
Moira Encina