Mga dayuhan, pinaalalahanan ng Immigration bureau na kailangan ng angkop na visa para makapasok sa Pilipinas
Nagpaalala ang Bureau of Immigration sa mga dayuhan, na kailangan nila ng angkop na visa para makapasok sa bansa.
Ang paalala ay ipinalabas ni Immigration chief Jaime Morente, kasunod ng mga ulat tungkol sa mga dayuhang pinabalik dahil sa kawalan ng visa.
Ang tatlong nabanggit na mga dayuhan ay nagsabing hindi nila alam na kailangan nila ng visa.
Ayon kay Morente, namamalaging sarado ang Pilipinas sa mga dayuhang turista dahil sa Covid-19 pandemic, kasunod ng resolusyon mula sa Inter Agency Task Force for the Management of Emerging infectious Diseases (IATF-MEID).
Bunsod nito, sinabi ng kawanihan na ang mga turista o temporary visitors, na magtutungo sa bansa para sa business, humanitarian o iba pang meritorious reasons ay dapat na mag-apply para sa 9(a) visas and entry exemption documents (EED) mula sa alinmang embahada ng Pilipinas o konsulada sa abroad.
Pinaalalahanan din ni Morente ang mga airline na responsibilidad ng mga ito na tiyakin na ang mga turistang nag-book ng flights patungo sa Pilipinas ay may valid visas.
Aniya, papatawan ng administrative fines ang mga airline na magsasakay ng mga dayuhang walang tamang dokumento.