MRT-3, balik na sa full operation matapos ang insidente ng sunog kagabi
Full operational na ang Metro Rail Transit-Line 3 (MRT3) ngayong Linggo matapos ang fire incident kagabi.
Sa abiso ng MRT-3 management, operational na ang 17 tren nito na bumibiyahe mula North Avenue station sa Quezon City hanggang Taft Avenue station sa Pasay City.
Sa inisyal na imbestigasyon, nagsimula ang sunog alas-9:12 kagabi at idineklarang fire-out alas-9:51 na ng gabi.
Tatlong pasahero ang nagtamo ng sugat sa kanilang hita matapos tumalon palabas ng tren patungong mainline tracks.
Sumiklab ang sunog sa isang bagon ng tren habang nasa pagitan ng Buendia at Guadalupe stations.
Humingi na ng paumanhin ang Sumitomo Corporation, maintenance provider ng MRT-3, sa mga naapektuhang pasahero.
Sa ipinalabas nilang advisory, nagsasagawa na umano sila ng imbestigasyon sa naging sanhi ng sunog at tiniyak ang mga hakbang para sa ligtas na pagbiyahe.