SC hindi binawi ang permanent protection order laban sa surveillance ng PNP sa pamilya ng umano’y NPA member
Pinagtibay ng Korte Suprema ang inilabas nitong kautusan laban sa PNP na nagbabawal dito na i-monitor o isailalim sa surveillance ang pamilya ng sinasabing miyembro ng NPA.
Ito ay matapos ibasura ng Supreme Court ang inihaing apela ng San Jose Municipal Police Station laban sa inisyung permanent protection order sa mga ito.
Sa ruling ng Korte Suprema, pinanatili nito ang permanent protection order laban sa pulisya pabor sa petitioner na si Vivian A. Sanchez.
Ayon sa SC, nakapagprisinta si Sanchez ng sapat na ebidensya na siya at ang kanyang dalawang anak ay naging persons of interest at inilagay sa surveillance ng pulisya dahil sa koneksyon ng kanyang pumanaw na asawa sa NPA.
Ang mister niya na si Eldie Labinghisa ay isa sa pitong hinihinalang miyembro ng NPA na napatay ng PNP noong 2018 sa Barangay Atabay, San Jose, Antique.
Tinukoy pa ng SC na tinarget ang petitioner ng pulisya dahil sa tumanggi ito noong una na isiwalat ang kanyang relasyon sa asawa.
Iginiit ng Korte Suprema na ang right to privacy ay isang fundamental right.
Hindi rin anila naisasantabi ang nasabing karapatan dahil sa kanilang ugnayan sa isang person of interest o kung sila ay naging person of interest.
Sinabi ng SC na kung nais imbestigahan ng pulisya sina Sanchez at ang mga anak nito ay dapat silang magsagawa ng pormal na imbestigasyon
Una nang idinulog ng petitioner ang kaso sa Supreme Court matapos na ibasura ng regional trial court ang hirit nitong writ of amparo.
Sa naunang desisyon ng SC noong 2019, sinabi na kumbinsido ito na lumikha ng banta sa buhay at seguridad sa pamilya ni Sanchez ang pagmanman sa kanila ng PNP.
Moira Encina