1.2 milyong kabataan na may comorbidities, target mabakunahan ng DOH kontra Covid-19
Aabot sa 1.2 milyong kabataan na nasa edad 12 hanggang 17 na may commorbidities ang target mabakunahan ng Department of Health kontra Covid-19.
Ayon kay Health Usec. Ma. Rosario Vergeire, sa datos ng Philippine Statistics Authority nasa 12.7 milyon ang populasyon ng mga batang nasa edad 12 hanggang 17 sa bansa.
Kaya naman kung ibabatay aniya sa adult population na ang 10% ay may commorbidities, nasa 1.2 milyon ang kanilang target mabakunahan.
Ang pilot vaccination sa nasabing age group with commorbidities ay nagsimula na ngayong araw.
Mga bakuna ng Pfizer BioNTech at Moderna ang ituturok sa kanila.
Kabilang sa mga pinagsagawaan nito ay ang National Children’s Hospital, Philippine Heart Center, Fe del Mundo Medical Center, at Philippine Children’s Medical Center sa Quezon City, Pasig City Children’s Hospital, Philippine General Hospital sa Maynila, Makati Medical Center at St. Luke’s Medical Center sa Taguig.
Nagpaalala naman si Vergeire sa mga magulang o guardian ng batang magpapabakuna na kailangan nilang lumagda sa informed consent from assent form naman para sa batang babakunahan.
Tiniyak naman DOH na bago bakunahan ay isinasailalim muna sila sa screening at orientation hinggil sa benepisyo at panganib ng bakuna.
Para sa pilot run ng vaccination sa kanila, dapat ang isang batang magpapabakuna ay nakarehistro sa Ospital at bawal ang walk-in.
Madz Moratillo