Pension loan at retirement benefit modules, idinagdag ng SSS sa kanilang E- Learning portal
Isinama na rin ng Social Security System (SSS) sa kanilang ExpreSSS e-learning (ExSSSel) portal, ang kanilang Pension Loan Program (PLP) at Retirement Benefit Modules simula noong June at September 2021.
Bunsod nito, nasa 1.8 million retirement pensioners ang maaaring makinabang sa mga programang ito na idinagdag sa kanilang portal.
Ang ExSSSel ay isang online computer-based training tungkol sa iba’t-ibang SSS programs na inilunsad noong November 2020, upang turuan ang mga empleyado at employers at ang publiko sa kabuuan, sa pamamagitan ng SSS module-based learnings.
Sinabi ni SSS president at chief executive officer Aurora Ignacio, na batid nila ang vulnerability ng pensioners sa Covid-19 kaya isinulong nila ang e-learning experience.
Aniya, sa pamamagitan nga naman ng flexible schedule at ExSSSel portal, ay mas marami nang pensioners ang matututo bukod sa naisasaayos pa ang kinakailangan nilang dokumento.
Ang mga miembro ng SSS ay maaaring magregister sa https://bitly/ExSSSel_Portal. Pagkatapos ay puwedeng pumili ng module na nais nilang pag-aralan.
Paalala naman ng SSS, ang portal users ay maaari lamang makatanggap ng e-certificate kapag nakakuha sila ng passing rate na 80% sa kanilang eksaminasyon.
Ang e-certificate ay ipadadala sa registered email address ng miyembro sa loob ng 7-working days.