PRRD, posibleng mali ang natanggap na impormasyon sa isyu ng Pambansang Budget
Posibleng nabibigyan umano ng maling impormasyon si Pangulong Rodrigo Duterte sa isyu ng umano’y pagtapyas sa panukalang pondo ng mga tanggapan ng gobyerno para sa susunod na taon.
Reaksiyon ito ni Senate President Vicente Sotto III sa alegasyon ng Pangulo na tinatangka umanong paralisahin ng ilang mambabatas ang operasyon ng gobyerno dahil sa pagbabantang tatapyasan ang budget ng mga tanggapang hindi sumisipot sa mga pagdinig ng Senado.
Pero ayon kay Sotto, wala silang ganitong agenda sa Senado at posibleng mali na ang naiparating na impormasyon sa Pangulo.
Katunayan, tuluy-tuloy aniya ang paghimay ng Senate Finance Committee sa mga alokasyon ng iba’t-ibang tanggapan ng pamahalaan.
Sinisisi naman ni Sotto ang hindi pagpapatawag ng regular Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC) meeting kaya nagkakaroon ng maling impresyon.
SP Sotto:
“There is nothing like that in the Senate’s agenda. Cabinet members usually attend to explain their budgets. The President is being given a wrong impression by some people I don’t know who”.
Meanne Corvera