Malakanyang, sinagot ang reklamo ng LPP ukol sa pagpapatupad ng Alert Level system
Kinontra ng Malakanyang ang pahayag ng League of Provinces of the Philippines (LPP) na hindi sila kinonsulta ng Inter-Agency Task Force sa pagpapatupad ng alert level system kontra COVID- 19 sa ilang lalawigan sa bansa.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque hindi totoo na hindi kinonsulta ng IATF ang local executives kung saan ipinaiiral ang alert level system.
Ayon kay Roque hindi lahat ng mga Gobernador at Mayor ay kinonsulta dahil piling mga probinsiya at ciudad lamang ang kasama sa pilot testing ng Alert Level system.
Inihayag ni Roque ang mga probinsiya at ciudad na ipinatutupad na ang Alert Level system simula noong October 20 hanggang October 31 ay may pahintulot ng kanilang mga Gobernador at Mayor.
Kabilang sa nasa Alert Level 4 ang Negros Oriental at Davao Occidental, alert level 3 ang Cavite, Laguna, Rizal, Siquijor, Davao City at Davao del Norte.
Inilagay naman sa Alert Level 2 ang Batangas, Quezon Province, Lucena City, Bohol, Cebu City, Lapu-lapu City, Mandaue City, Cebu Province, Davao de Oro, Davao del Sur at Davao Oriental.
Vic Somintac