Dolomite beach sa Manila Bay, isasara na tuwing Biyernes para sa maintenance
Inanunsiyo ng Manila Bay management na isasara na sa publiko ang Dolomite Beach tuwing Biyernes upang bigyang-daan ang maintenance work.
Sinabi ni Jacob Meimban Jr., Deputy Executive Director ng Manila Bay Coordinating Office na bahagi ito ng unti-unting adjustment para sa nasabing pasyalan.
Maliban dito, plano rin aniya nilang limitahan sa susunod na mga araw ang pagpapapasok ng mga tao sa artificial beach upang maiwasan ang pagkalat ng Coronavirus infection.
Paliwanag ni Meimban, libu-libong tao kasi ang pumapasok sa Dolomite beach kaya nangangamba sila na maging dahilan pa ito ng superspreader event.
Aniya, aatasan nila ang mga ground commander ng beach na kontrolin muna ang mga bisita sa pagpasok sa Pedro Gil entrance at payuhang mamasyal muna sila sa Remedios area upang sa pagbalik nila ay sila naman ang papalit sa mga lalabas ng beach.
Hihingi rin aniya sila ng karagdagang bilang ng mga pulis o marshals na magpapatupad ng social distancing sa mga bisita.
Matatandaang dinagsa ng bulto ng mga tao, magkakapamilya at magkakaibigan ang dolomite beach simula nang muling buksan ito sa publiko noong nakalipas na linggo.
Nanawagan din ang ilang scientist sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na magsagawa ng pag-aaral sa environmental impact ng dolomite project.