Rekomendasyong suspendihin ang paniningil ng excise tax sa mga produktong petrolyo, pinag-aaralan na ng Malakanyang
Ikinukonsidera na ng Malakanyang ang pagsuspinde sa paniningil ng excise tax sa mga produktong petrolyo sa bansa dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na kasalukuyan na itong pinag-uusapan ng economic team ng pamahalaan sa pangunguna ng Department of Finance.
Ayon kay Roque ang pagtaas at pagbaba ng presyo ng mga produktong petrolyo ay nakasalalay sa price index ng world market.
Ilang mambabatas ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang nagrekomenda na suspendihin muna ng pamahalaan ang paniningil ng excise tax sa mga inaangkat na oil products upang mapigilan ang linggo linggong pagtaas ng presyo ng gasolina at diesel alinsunod sa probisyon ng Tax Reform Acceleration Inclusion (TRAIN) Law.
Magugunitang nasa siyam na linggo na ang sunud-sunod na pagtataas sa presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa kung saan umabot na sa mahigit 19 na piso ang itinaas ng presyo ng gasolina kada litro at mahigit 18 piso naman ang itinaas ng presyo ng diesel kada litro.
Vic Somintac