Pagdaraos ng face to face classes sa bansa, inaayos pa rin ng DepEd
Kasalukuyan pa ring inaayos ng Department of Education ang pagsasagawa ng pilot face to face classes sa bansa.
Sa regular media briefing sa Malakanyang, sinabi ni Education Secretary Leonor Briones na hanggang ngayon ay hindi pa naisasapinal ang listahan ng mga kalahok sa face to face classes.
Ayon kay Briones, mayroong mga Local Government Unit ang umuurong sa pagsasagawa ng face to face classes sa kanilang nasasakupan dahil sa kaso ng COVID-19.
Inihayag ni Briones na traget ng DEPED na 100 mga public schools at 20 mga private schools ang isasama sa pilot face to face classes na magsisimula sa November 15 ng taong kasalukuyan.
Niliwanag ni Briones na hindi sapilitan ang pagsali sa face to face classes dahil ito ay kailangang may pahintulot ng mga LGU’S, consent ng mga magulang at dumaan sa risk assessment ng Department of Health ang mga silid aralan at iba pang pasilidad na gagamitin.
Tiniyak ni Briones na 93% na ng mga school personnel na gagamitin sa face to face classes ay fully vaccinated na sa anti-COVID-19.
Vic Somintac