DOJ umaasa na malalagdaan ang MOA para sa NBI-PNP joint probe sa ‘nanlaban’ cases bago ang retirement ni PNP Chief Eleazar
Hinihintay pa ng DOJ ang komento ng NBI at PNP sa binuo nitong draft ng kasunduan para sa joint investigation sa mga kaso ng mga tinaguriang ‘nanlaban’ na drug suspects para sa hinaharap.
Inihayag ni Justice Secretary Menardo Guevarra na ngayong linggo nila inaasahan ang komento ng dalawang ahensya.
Sa oras na matanggap ito ng DOJ ay maisasapinal na ang memorandum of agreement (MOA) sa pagitan ng NBI at PNP.
Umaasa si Guevarra na bago magretiro si Eleazar sa Nobyembre 13 ay malalagdaan na ang MOA.
Nagkasundo ang dalawang ahensya na bumuo ng mekanismo para sa pagsasagawa ng joint probe sa mga kaso ng mga drug war killings.
Ito ay kasunod ng ginawang pagrebyu ng DOJ sa ilang anti-illegal drugs operations ng pulisya na nagresulta sa pagkamatay ng mga suspek dahil sa sinasabing nanlaban ang mga ito.
Una nang sinabi ng kalihim na ang PNP at NBI ang may pinal na salita sa kooperasyon sa imbestigasyon.
Naniniwala si Guevarra na kahit magkaroon ng pagbabago sa liderato ng Pambansang Pulisya ay ipupursige pa rin ang imbestigasyon sa mga anti-illegal drugs operations ng PNP kung saan may namatay na suspek.
Aniya may direktiba si Pangulong Rodrigo Duterte sa PNP at DOJ na rebyuhin ang implementasyon ng kampanya kontra iligal na droga at patawan ng kaukulang parusa ang mapapatunayang may paglabag
Umaasa si Guevarra na mahigpit itong susundin kahit sinuman ang maging susunod na pinuno ng Pambansang Pulisya.
Moira Encina