DOJ paiigtingin ang imbestigasyon at prosekusyon sa mga kaso ng online sexual exploitation of children
Gagamitin ng DOJ ang lahat ng kapangyarihan nito para matunton,maaresto, at mapanagot ang mga child traffickers at predators sa harap ng pagdami ng kaso ng online sexual exploitation of children.
Sa kanyang mensahe sa programa ng International Justice Mission (IJM), sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na tumaas ng mahigit 30% ang kaso ng online sexual exploitation of children (OSEC) sa bansa isang taon matapos ang pandemya.
Aniya ang mga vulnerable children o ang mga mula sa mahihirap at dysfunctional na pamilya na bata ang pinaka nagdusa sa panahong ito
Ayon sa kalihim, pinalala ng hirap sa buhay at isolation dala ng pandemya ang mga kaso ng trafficking at exploitation sa mga bata.
Tiniyak ni Guevarra na hahabulin at kakasuhan ng DOJ ang bawat tao kahit ito pa ay magulang, kapatid o guardian ng biktima na kasangkapan sa pag-abuso at pananamantala sa bata.
Hinimok din ng kalihim ang DOJ at mga partner agencies nito na palawigin ang kaalaman at paggamit sa teknolohiya para ma-detect ang online activities na exploitative sa mga bata.
Iginiit ni Guevarra na dapat ay walang lugar pati sa cyberspace ang maging safe haven para sa mga child traffickers at abusers.
Dagdag pa ni Guevarra, kailangan na palakasin pa nila ang network of collaboration para masiguro na mapipigilan ang mga masasamang balak ng child traffickers at predators.
Moira Encina