QC Gov’t, humingi ng paumanhin sa pagdagsa ng mga tao sa aplikasyon ng Pangkabuhayan program ng lungsod
Dinagsa ng daan-daang residente ng Quezon City ang pamamahagi ng tulong pangkabuhayan ng lungsod para sa mga nawalan ng hanapbuhay at maliit na negosyante na naapektuhan ng Pandemya.
Sa ulat ni Meanne Corvera, dahil sa pagdagsa ng mga aplikante para sa programa ay halos nagkadikit-dikit na ang mga tao sa pila kaya hindi na nasunod ang physical distancing.
Sa Flag Pole Area na nasa harap ng Main High Rise Building sa loob ng QC Hall Compound ang simula ng pila para sa aplikasyon.
Sabi ng ilang nakapila, alas-12:00 pa lamang ng hatinggabi kanina ay nagsimula na silang pumila dahil 300 katao lamang anila ang tatanggapin.
Batay sa Facebook post ng QC Small Business and Cooperatives Development Promotions Office o QC SBCDPO, ngayong araw Oct. 29 at November 2 ang mga petsa ng aplikasyon upang ma-qualify sa programa.
Pero bago magtungo sa venue ay dapat siguraduhing kumpleto muna ang lahat ng requirements dahil hindi tatanggapin kung incomplete requirements.
Maaaring maka-avail sa Tulong Pangkabuhayan ang mga nawalan ng trabaho, micro small and medium enterprises, mga PWD, mga OFW na nawalan ng hanapbuhay at mga single parent na walang trabaho.
10,000 hanggang 25,000 pesos ang maaaring matanggap na ayuda bawat qualified applicant.
Dahil sa di inaaasahang pagdagsa ng mga tao, humingi ng paumanhin ang QC Government at sinabing inaayos na nila ang sitwasyon na pinangangambahang pagmulan ng superspreader event.
Wala umanong magaganap na bigayan ng cash ngayong araw dahil lahat ng aplikasyon ay subject for review pa ng SBCDPO.
Naayos na rin kaninang umaga ang pila sa tulong ng QC Police District.
Meanne Corvera