Guevarra niliwanag sa IATF na hindi compulsory ang COVID vaccination sa mga empleyado
Nagkalinawan na ang IATF sa isyu ng “no vaccine, no work/ no pay policy.”
Sinabi ni IATF member at Justice Sec. Menardo Guevarra na sa pagpupulong ng IATF ay ipinunto niya na sa ilalim ng COVID-19 Vaccination Program Act ay malinaw na hindi sapilitan o compulsory ang pagpapabakuna laban sa COVID-19 bilang requirement sa trabaho.
Hanggang hindi aniya inaamyendahan ito ng Kongreso ay ito pa rin ang umiiral at aplikable na batas.
Binigyang-diin ito ng kalihim sa IATF meeting matapos ang naunang pahayag ni Labor Sec. Silvestre Bello III na maaaring gawing legal basis ang IATF resolution para ipatupad ng mga establisyimento ang ‘no vaccine, no work o no pay’ policy.
Paliwanag ni Guevarra, ang nasabing resolusyon na naglalagay sa NCR sa ilalim ng Alert Level 3 at nag-o-otorisa sa ilang establisyimento na magbukas kapag vaccinated ang mga kawani ay hindi puwedeng gamitin para puwersahin ang mga tauhan na magpabakuna.
Ibig sabihin lang aniya nito ay dapat na himukin ng mga negosyo na magpaturok ang mga kawani nito.
Ayon kay Guevarra, hindi present sa pulong ng IATF si Bello pero may mga kinatawan ang DOLE.
Naabisuhan din aniya ang lahat ng IATF members sa legal position ng DOJ sa isyu at wala namang nagpahayag ng oposisyon.
Tiniyak din aniya ng DOLE na ihahanay nito ang mga polisiya nito nang naayon sa batas.
Moira Encina