PUVs di na kailangang gumamit ng plastic barriers
Hindi na kailangan sa mga public utility vehicle (PUVs), na maglagay ng plastic barriers sa pagitan ng mga pasahero.
Sinabi ni Department of Transportation (DOTr) Assistant Secretary for road transport Mark Steven Pastor, na walang malinaw na pag-aaral na epektibo ang plastic barriers para mapigilan ang pagkalat ng Covid-19.
Aniya batay sa kanilang pag-aaral, ay may posibilidad pang mamalagi ang virus sa plastic barriers.
Ngunit binigyang-diin niya na kailangan ang mahigpit na pagpapatupad sa health safety measures sa lahat ng PUVs.
Matatandaan na noong July 3, 2020 ay pinayagan nang makabiyahe ang PUVs, pero dapat ay maglagay sila ng plastic barriers sa pagitan ng mga pasahero at kalahati lang ng kapasidad ang dapat na maging laman ng sasakyan.
Subalit nitong Setyembre ay binigyang linaw ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) chief Martin Delgra, na wala.silang opisyal na polisiya para sa paggamit ng plastic barriers sa mga pampublikong transportasyon.