Malakanyang umapela sa mga pribadong hospital na huwag kumalas sa Philhealth sa gitna ng pandemya
Nakiusap ang Malakanyang sa mga pribadong hospital na huwag bumitaw sa accreditation sa Philippine Health Insurance o PHILHEALTH sa gitna ng pandemya ng COVID-19 sa bansa.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque na mapipinsala ang healthcare sa bansa kapag kumalas ang mga pribadong hospital sa PHILHEALTH.
Ayon kay Roque 70 percent ng healthcare sa bansa ay nakasalalay sa serbisyo ng mga pribadong hospital.
Inihayag ni Roque na inatasan na ni Pangulong Rodrigo Duterte si PHILHEALTH President Dante Guirran na bayaran ang pagkakautang sa mga private hospital na lomobo dahil sa mga kaso ng COVID-19.
Niliwanag ni Roque na hindi mauubusan ng pondo ang PHILHEALTH dahil sa ilalim ng Universal Healthcare Law hindi lamang sa premium contribution ng mga miyembro nanggagaling ang pera ng state health insurance dahil dinadagdagan ito ng gobyerno mula sa kaban ng bayan.
Magugunitang nagbanta na ang mga pribadong hospital na kalalas na sa PHILHEALTH dahil hanggang ngayon malaki parin ang utang na hindi nababayaran.
Vic Somintac