Kampo ni BBM, tinawag na “predictable nuisance” ang petisyon na inihain laban sa kanyang kandidatura
Isa raw “predictable nuisance” ang petisyon na inihain ng ilang indibidwal laban sa kandidatura sa pagka-pangulo ni dating Sen. Bongbong Marcos.
Sa isang statement, sinabi ng tagapagsalita ni Marcos na si Atty. Victor Rodriguez na sasagutin nila ang petisyon sa tamang oras at forum kapag natanggap na nila ang opisyal na kopya nito.
Aniya hanggang wala silang hawak na kopya ay hindi sila magkukomento sa “propaganda” ng mga ito.
Iginiit ni Rodriguez na ang kampanya ng kampo ni BBM ay ukol sa nation building at hindi sila nakikisali sa “gutter politics.”
Binigyang-diin ni Rodriguez na para kay Marcos ang halalan sa 2022 ay ukol sa kinabukasan ng sambayanang Pilipino.
Hiniling sa COMELEC na kanselahin ang certificate of candidacy ni Marcos dahil sa hindi raw ito eligible na kumandidato bunsod sa conviction noong 1997 dahil sa hindi paghahain ng income tax returns nang ito pa ay gobernador at bise-gobernador ng Ilocos Norte.
Moira Encina