SSS nag-alok ng penalty-free relief programs para sa mga miyembro na hindi nakabayad ng loans
Inilunsad ng SSS ang apat na pandemic relief and restructuring programs (PRRP) para sa mga miyembro na hindi nakabayad ng utang at iba pang overdue payments bunsod ng pandemya.
Sa ilalim ng mga nasabing assistance ay iku-condone o hindi na pababayaran ng SSS ang mga unpaid penalties.
Isa sa mga alok ng SSS ay ang Short-Term Member Loan Penalty Condonation Program o PRRP5.
Sa panayam ng programang ASPN, sinabi ni SSS Vice- President for Public Affairs and Special Event Fernando Nicolas na umpisa sa Nobyembre 15 ay tatanggap na sila ng mga aplikasyon para sa nabanggit na loan penalty condonation program.
Ang paghahain ng aplikasyon ay online sa pamamagitan ng My.SSS account ng miyembro.
Ayon pa sa opisyal, kapag binayaran nang buo ang utang ay walang ipapataw na interes pero kung installment ng hanggang anim na buwan ay may 3% na interes.
Hinimok ng SSS ang mga miyembro na i-avail ang condonation program para maibalik ang kanilang good standing.
Paliwanag pa ni Nicolas, kapag hindi nakabayad ang miyembro ng utang ay ibabawas ito nang buo kung maghahain ito ng claims gaya sa retirement, death o disability.
Ang aplikasyon para sa Short-Term Member Loan Penalty Condonation Program ay magtatagal hanggang sa Pebrero 14, 2022.
Ilan pa sa alok ng SSS para naman sa mga qualified employers at borrowers ang Contribution Condonation Penalty Program, Enhanced Installment Payment Program, at Housing Loan Restructuring and Penalty Condonation Program.
Moira Encina