Ilang baybayin sa bansa, nananatiling positibo sa red tide toxin
Nananatiling positibo sa Paralytic Shellfish Poison (PSP) o toxic red tide ang ilang baybayin sa Visayas at Mindanao.
Batay sa Shellfish Bulletin no. 29 ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at mga lokal na pamahalaan, positibo sa red tide toxin ang mga sumusunod na baybayin:
- Dauis at Tagbilaran sa Bohol
- Cambatutay at San Pedro bays sa Western Samar
- Carigara bay at karagatan ng Leyte sa Leyte
- Matarinao bay sa Easterm Samar
- Dumanquillas bay sa Zamboanga del Sur at;
- Lianga bay sa Surigao del Sur
Samantala, positibo rin sa red tide toxin ang mga Baroy bay sa Lanao del Norte; baybayin ng Daram Island, Maqueda at Irong-Irong sa Western Samar; Cancabato bay sa Tacloban city at baybayin ng Biliran Island.
Samantala, batay naman sa BFAR Advisory No. 61, ipinagbabawal din ang paghango ng mga shellfish sa mga baybayin sa mga bayan ng Hermosa, Orani, Samal, Abucay, Balanga City, Pilar, Orion, Limay, at Mariveles sa Bataan.
Ipinagbabawal ang paghango, pagbebenta at pagkain ng lahat ng uri ng shellfish mula sa nasabing mga baybayin partikular ang acetes at alamang dahil hindi ito ligtas sa kalusugan.
Gayunman, puwede namang kainin ang mga isda, hipon, pusit at alimango na mula sa mga baybayin basta’t tiyakin lamang na ito ay nahugasan at nalutong mabuti at naalis ang mga lamang loob.