South Korea, tatanggap na muli ng mga dayuhang manggagawa – DOLE
Maaari nang muling magpadala ng mga manggagawang Pinoy sa South Korea.
Ito’y matapos ianunsiyo ng Korea’s Ministry of Employment and Labor (MOEL) na pinapayagan na nila ang pagpasok ng mga dayuhang manggagawa sa South Korea kasama na ang Pilipinas.
Dahil dito, inatasan na ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na simulan na ang pagpo-proseso ng deployment ng mga Pinoy sa nasabing bansa.
Ayon kay Bello, malaking tulong aniya ito sa sa libu-libong Pinoy na nasa ilalim ng Entry Permit System (EPS) at naghihintay ng deployment simula pa noong nakalipas na taon.
Batay sa MOEL, requirement sa pre-entry measures ng bawat EPS worker ang fully vaccinated card at negative PCR test results.
Obligado rin ang mga ito na sumailalim sa mandatory quarantine at PCR testing pagdating naman sa South Korea.
Ayon sa Korean Embassy in the Philippines, naghihintay na lamang sila sa ipalalabas na guidelines ng South Korean government gaya ng E9 visas ng EPS workers.
Simula 2004 ay regular na nagpapadala ang Pilipinas ng mga Pinoy sa Korea sa ilalim ng government-to-government cooperation agreement sa EPS.
Natigil lamang ito noong Hunyo 2020 dahil sa Covid-19 entry restrictions ng Korea.