Pagsusuot ng face shield sa Maynila, hindi na mandatory
Simula ngayong araw, hindi na mandatory ang pagsusuot ng face shield sa Maynila.
Sa Executive Order na nilagdaan ni Mayor Isko Moreno, nakasaad na ang pagsusuot ng face shield sa lungsod ay mandatory na lang sa mga ospital, medical clinic at iba pang medical facilities.
Ang EO ay inilabas ng alkalde habang nakabinbin pa ang ginagawang pag-aaral ng Konseho ng Maynila sa Ordinansa hinggil rito.
Ang Maynila ay nasa ilalim ng Alert Level 2.
Una rito, iniulat ng Manila LGU na zero percent occupancy rate na ang kanilang COVID-19 quarantine facilities.
Sa datos ng Manila LGU, bakante o wala ng umookupa sa kanilang 883 bed capacity na Covid- 19 positive quarantine facilities.
Maging kanilang isolation facilities para sa mga suspected case ng Covid 19, zero% occupancy rate na rin.
Ang occupancy rate naman ng kanilang 6 na District Hospitals sa Lungsod, nasa 23% na lamang.
Habang nasa 14% naman sa Manila Covid 19 Field Hospital.
Sa datos ng Manila LGU, nasa 324 na lamang ang aktibong kaso ng Covid-19 sa lungsod.
Umabot na rin sa mahigit 1.2 milyon ang fully vaccinated habang nasa mahigit 1.4 milyon naman ang partially vaccinated sa Maynila.
Umabot naman na sa 25,497 kabataang nasa edad 12 hanggang 17 anyos ang nakatanggap na ng unang dose ng Covid 19 vaccine sa lungsod.
Madz Moratillo