Metro Mayors, sinabihan ng Malakanyang na huwag pangunahan ang pag-aalis sa paggamit ng face shield
Iginiit ng Malakanyang na kailangan ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa rekomendasyon ng Metro Manila Mayors na alisin na ang paggamit ng publiko ng face shield maliban sa mga health workers na naka-duty sa mga ospital.
Ito ang tugon ng Malakanyang sa pamamagitan ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque sa ginawa ni Manila Mayor Isko Moreno na ipatupad na ang pag-aalis ng face shield sa lungsod kahit wala pa ang desisyon ng Pangulo na pinadadaan sa Inter-Agency Task Force.
Sinabi ni Roque habang nasa state of health emergency ang bansa dahil sa Pandemya ng COVID-19, lahat ng mga patakaran ay kinakailangan na manggaling sa IATF na may pagpapatibay ng Pangulo.
Inihayag ni Roque na lahat naman ng rekomendasyon ng local chief executives na may kaugnayan sa pagharap sa Pandemya ay sinasang-ayunan ng Pangulo.
Vic Somintac