Grupo ng political prisoners noong Martial Law, muling hiniling sa SC na pagtibayin ang hatol na guilty laban kay dating First Lady Imelda Marcos sa kasong katiwalian
Dumulog muli sa Korte Suprema ang grupo ng mga political prisoners noong panahon ng Batas Militar para aksyunan na ang apela ni dating First Lady Imelda Marcos sa hatol na guilty ng Sandiganbayan sa kasong katiwalian laban dito.
Ito ay kaalinsabay ng ikatlong anibersaryo sa conviction ni Ginang Marcos sa pitong counts ng katiwalian.
Pinayagan na makapagpiyansa ang dating Unang Ginang at inapela sa Supreme Court ang guilty verdict ng Sandiganbayan.
Sa sulat ng Samahan ng Ex-Detainees Laban sa Detensyon at Aresto (SELDA) kay Chief Justice Alexander Gesmundo, humingi ang grupo ng status sa apela ni Mrs. Marcos.
Binanggit ng SELDA na sumulat na rin sila noong nakaraang taon kay dating Chief Justice Diosdado Peralta ukol sa nasabing kaso pero walang aksyon sa kanilang liham.
Nais ng grupo na pagtibayin ng SC ang pag-convict ng anti-graft court kay Ginang Marcos.
Ito ay alang-alang anila sa interes ng mga biktima ng mga paglabag sa karapatang pantao noong Martial Law.
Ayon sa grupo, dapat nang pagpasyahan ang apela at ibasura ito.
Hinaing pa ng SELDA, labis silang nagdusa noong Batas Militar at patuloy na nagdurusa dahil hanggang ngayon ay malaya si Mrs. Marcos at namumuhay nang marangya kahit ito hinatulang guilty.
Moira Encina