P50-M halaga ng smuggled na sibuyas, nasabat ng BOC sa Misamis Oriental
Aabot sa 50 milyong pisong halaga ng smuggled na sibuyas ang nasabat ng Bureau of Customs sa Mindanao Container Terminal Sub-Port sa Tagoloan, Misamis Oriental.
Ayon sa BOC, ang mga sibuyas ay natagpuan sa 18 container at naka-consign sa R2H Trading.
Ang shipment ay idineklara bilang cream, rock lobster, flavored nuts at breaded shrimp pero matapos ang ginawang physical examination ay nakitang mga sibuyas pala ang laman nito.
Ayon sa BOC, nakatanggap sila ng impormasyon ukol sa nasabing shipment kaya naman pagdating sa bansa ay agad itong isinalang sa inspeksiyon.
Magsasagawa rin umano ang BOC ng karagdagan pang imbestigasyon at backtracking sa mga dating shipment ng nasabing consignee.
Kabilang sa kakaharapin nito ay ang paglabag sa Republic Act 10863 o Customs Modernization and Tariff Act.
Madz Moratillo