Drug case vs Julian Ongpin, ibinasura ng korte sa La Union
Ibinasura ng korte sa San Fernando, La Union ang kasong possession of illegal drugs laban kay Julian Roberto Ongpin.
Sa 12-pahinang kautusan na inilabas ni Presiding Judge Romeo Agacita Jr., sinabi na hindi nasunod ng pulisya ang chain of custody na isinasaad sa ilalim ng Comprehensive Dangerous Drugs law.
Ipinunto ng hukom na sa simula pa lang ay may ‘crucial lapses’ na nagkukompromiso sa integridad ng nasabat na droga.
Isa na rito ang hindi paglagay ng marka sa 18 sealed plastic sachets na naglalaman ng puting substance sa oras ng imbentaryo nito.
Ayon sa judge, malinaw sa batas na dapat agad na markahan ng arresting officers ang iligal na droga na nakumpiska.
Bukod dito, wala aniyang testigo na present sa panahon ng marking at imbentaryo ng seized drugs.
Maging ang akusado o abogado o kinatawan ay hindi rin present sa processing.
Binanggit sa desisyon na wala si Ongpin sa mga nasabing oras dahil dinala ito ng mga pulis sa ospital para sa medical examination.
Ikinatwiran ng prosekusyon na hindi nasunod ang chain of custody rule ng mga pulis dahil ang mga ito ay ipinadala para imbestigahan ang “found dead body” na tumutukoy sa visual artist na si Bree Jonson.
Gayunman, sinabi ng judge na hindi ito dahilan sa paulit-ulit na breach o paglabag sa chain of custody na naglagay ng seryosong duda sa integridad ng ebidensya.
Kaugnay nito, binawi na rin ng hukuman ang inisyu nitong precautionary hold departure order laban kay Ongpin.
Si Ongpin na anak ng negosyanteng si Roberto Ongpin ay person of interest sa pagkamatay ni Jonson noong Setyembre.
Moira Encina