Pangulong Duterte , inaprubahan na ang bagong patakaran sa paggamit ng face shield
Pinagtibay na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng Inter Agency Task Force o IATF hinggil sa bagong patakaran na ipatutupad sa paggamit ng face shield.
Mismong si Pangulong Duterte ang nag-anunsiyo sa kanyang regular weekly Talk to the People na hindi na obligado ang paggamit ng face shield sa mga lugar na nasa ilalim ng alert level 1 hanggang 3 maliban sa mga lugar na inilagay sa granular lockdown.
Nasa kamay naman ng mga local government units ang pagpapasya sa paggamit ng face shield kung ang kanilang lugar ay nasa ilalim ng alert level 4.
Obligado naman na magsuot ng face shield ang mga lugar na nasa ilalim ng granular lockdown at alert level 5.
Niliwanag ng Pangulo na mananatili ang pagsusuot ng facemask sa lahat ng lugar kahit anong alert level hanggat nananatili ang banta ng pandemya ng COVID-19.
Vic Somintac