Mga menor de edad na 11 taong gulang pababa nais ni Pangulong Duterte na pagbawalan na pumunta sa mga mall
Nanawagan si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga local government units o LGUS na magpatibay ng ordinansa na magbabawal sa mga menor de edad na 11 taong gulang pababa na pumasok sa mga malls.
Ginawa ng Pangulo ang apela sa mga LGUS sa kanyang regular weekly Talk to the People matapos makarating ang report na mayroong dalawang taong gulang na bata na dinala ng kanyang magulang sa mall at nahawaan ng COVID-19.
Sinabi ng Pangulo na walang depensa ang mga batang 11 taong gulang pababa dahil hindi pa sila kasama sa binibigyan ng anti COVID-19 vaccine.
Ayon sa Pangulo tanging ang mga menor de edad na 12 taong gulang hanggang 17 taong gulang lamang ang pinayagang maturukan ng anti COVID-19 vaccine.
Inihayag ng Pangulo mas mahalaga ang kaligtasan ng buhay ng bawat mamamayan sa kabila ng pagluluwag sa mga restrictions sa gitna ng pandemya ng COVID-19 sa bansa.