Duque at Medialdea, pinagkukomento ng SC sa petisyon ng mga senador laban pagbabawal sa mga gabinete na humarap sa Senate hearings
Inatasan ng Korte Suprema ang Malacañang na sagutin ang petisyon ng mga senador na kumukuwestiyon sa pagbabawal sa mga opisyal at kawani ng Executive Department na humarap sa mga pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ukol sa mga biniling COVID-19 medical supplies.
Ayon sa Supreme Court, pinaghahain ng komento ang mga respondents sa petisyon na sina Health Secretary Francisco Duque III at Executive Secretary Salvador Medialdea.
Binigyan sina Duque at Medialdea ng 30 araw mula sa pagtanggap ng resolusyon ng SC para magsumite ng komento.
Sa kanilang petisyon, hiniling ng mga senador na maglabas ang Korte Suprema ng TRO para ipahinto ang direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Iginiit ng mga senador na paglabag sa prinsipyo ng separation of powers ng tatlong sangay ng pamahalaan ang kautusan ng presidente.
Ang mga petitioners ay sina Senate President Vicente Sotto III, Senate President Pro- Tempore Ralph Recto, Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, Senate Minority Leader Franklin Drilon, at Senate Blue Ribbon Committee Chair Richard Gordon.
Moira Encina