14 na milyong pisong halaga ng puslit na pulang sibuyas, nasabat ng Bureau of Customs-Cagayan de Oro
Nakasamsam ng limang containers ng puslit na pulang sibuyas ang Bureau of Customs-Port of Cagayan de Oro, sa isinagawang spot-check inspection sa MICTSI container yard.
Ang kargamentong mula sa China na naka-consign sa EMV Consumer Goods Trading ay dumating noong November 13, 2021, sa Mindanao Container Terminal Sub-Port sa Tagoloan, Misamis Oriental, na naka-deklarang “Mantou” na kilala rin sa tawag na Chinese Steamed Bun.
Matapos makatanggap ng impormasyon mula sa Intelligence Group na ang kargamento ay maaaring naglalaman ng smuggled goods, ay hiniling ni Oliver Valiente, Chief ng CIIS CDO Field Station kay District Collector Atty. Elvira Cruz, na magsagawa ng spot-check inspection.
Sa phyical examination na isinagawa ni Rodil Flancia, Customs Examiner na sinaksihan ng CIIS, ESS, XIP, CCBI Representatives kasama ng Department of Agriculture, Bureau of Plant Industry, at Philippine Drug Enforcement Agency-10, nadiskubre ang mga puslit na kargamento sa loob ng mga container na nagkakahalaga ng tinatayang 14 million pesos.
Hiniling na rin ng CIIS CDO na huwag munang ilabas ang natitira pang 19 na mga container na naka-consign sa kaparehong consignee. habang naka-pending pa ang isang physical examination.
Ayon Cruz,mananatiling mapagbantay ang Cagayan de Oro Port laban sa smuggled goods, habang papalapit ang holiday kung kailan maaaring bumaha ng puslit na mga kargamento sa merkado, na makaaapekto sa lokal na industriya.
Samantala, maglalabas ng isang Warrant of Seizure and Detention laban sa shipment, habang ang consignee ay maaari namang maharap sa kasong paglabag sa mga probisyon ng RA 10863 o Customs Modernization and Tariff Act.