Php65-M halaga ng mga iligal na droga at drug paraphernalia, nasabat ng NBI sa QC
Sinalakay ng NBI ang isang drug den at clandestine drug laboratory sa Teacher’s Village sa Quezon City kung saan nasabat ang ibat ibang klase ng iligal na droga na nagkakahalaga ng Php 65 milyon.
Kabilang sa mga nakumpiska ng NBI sa operasyon ang 27,334 tablets ng ecstasy, 92 grams ng shabu, cocaine, kush at marijuana sticks.
Nakuha rin ng mga otoridad ang mga kemikal, laboratory equipment at drug paraphernalia na ginagamit ng mga suspek sa pagluto at paggawa ng bagong “super party drug.”
Maliban sa mga iligal na droga, tumambad din sa NBI ang iba’t ibang klase ng mga armas at bala gaya ng 9MM Uzi sub-machine gun, Remington shotgun, Glock pistol, .22 Automatic rifle, 800 piraso ng mga bala at high explosive munition.
Kaugnay nito, inaresto ng mga tauhan ng NBI ang mga suspek na sina Ramon Loarca na retiradong miyembro ng US Air Force at ang kasamahan nito na si Wilson De Lara Apalisoc.
Ipinagharap na sa piskalya ng mga reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs law ang dalawang suspek na nagpositibo rin sa paggamit ng shabu.
Pero, iimbestigahan pa ng mas malaliman ng NBI ang insidente partikular ang pinagkukunan ng droga at mga kliyente na binibentahan ng mga suspek.
Moira Encina