Panukalang batas na lilikha sa Negros Island Region, welcome sa Negros Occidental Provincial Government
Malugod na tinanggap ni Negros Occidental Governor Eugenio Jose Lacson, ang panukalang batas na inihain ng mga mambabatas ng Negros sa pangunguna ni Third District Rep. Jose Francisco Benitez, para sa paglikha sa Negros Island Region (NIR).
Sinabi ni Benitez na kasama ng walong iba pang mga kinatawan mula sa isla ng Negros, ay inihain niya ang House Bill 10534 na naglalayong likhain ang NIR.
Ayon kay Lacson . . . “ It is for greater economic coordination and more efficient delivery of public services to promote sustainable and inclusive economic development in Negros Occidental and Negros Oriental”.
Ang panukalang batas ay nilagdaan din ng anim na iba pang kinatawan ng Negros Occidental na kinabibilangan nina Greg Gasataya ng nag-iisang dristrito ng Bacolod; Gerardo Valmayor, Jr., first district; Leo Rafael Cueva, second district; Juliet Ferrer, fourth district; Ma. Lourdes Arroyo, fifth district; at Stephen Paduano, ng Abang Lingkod party-list maging ng dalawa mula sa Negros Oriental, na sina Jocelyn Limkaichong, first district, at Arnolfo Teves, Jr., third district.
Ayon kay Benitez . . . “Consolidating the two Negros provinces in one administrative region will ensure greater economic coordination and more efficient delivery of public services that will promote sustainable and inclusive economic development.
Noong November 17, inihain naman ni Majority Leader Juan Miguel Zubiri ang Senate Bill 2453, o ang NIR Act, na naglalayon namang pagsamahin ang Negros Occidental, Negros Oriental, at Bacolod City, at itatag ito bilang isang rehiyong administratibo na tatawaging Negros Island Administrative Region.
Ang NIR ay binuo noong May 29, 2015, matapos lagdaan ng noo’y pangulong si Benigno Aquino III ang Executive Order (EO) 183, na naghihiwalay sa Negros Occidental mula sa Western Visayas at Negros Oriental mula sa Central Visayas.
Noong Aug. 7, 2017, nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang EO 38 na nagbabasura sa NIR, giit na kailangang tiyakin na ang prayoridad na mga programa at mga proyekto ng gobyerno ay sapat na napopondohan.
Idinagdag ng pangulo sa EO 38 . . . “The establishment of regional offices of departments and agencies in the NIR requires substantial appropriation to be fully operational, thus competing with government priority programs and projects funding.”
Sa kasalukuyan, ang Negros Occidental ay kabilang sa Western Visayas o Region 6, kasama ng Iloilo City, Iloilo Province, Antique, Aklan, Capiz, at Guimaras habang ang Negros Oriental nasa ilalim ng Central Visayas o Region 7, kasama ng Cebu City, Lapu-Lapu City, Mandaue City, Cebu Province, Bohol, at Siquijor.