Harang sa loob ng NBP compound, aalisin ng BuCor sa oras na maitayo ang control gate sa lugar
Pumayag ang pamunuan ng Bureau of Corrections (BuCor) na alisin ang harang sa daan na inilagay nito sa loob ng compound ng New Bilibid Prison.
Umani ng pagbatikos at pagkagalit sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan at mga residente ang pagtayo ng BuCor ng pader sa access road sa Katarungan Villages at dalawang eskuwelahan sa Muntinlupa City.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, tatanggalin ng BuCor ang concrete barrier sa oras na maitayo ang control gate sa lugar.
Sinabi ng kalihim na itatayo ng BuCor sa lalong madaling panahon ang control gate at sa oras na ito ay matapos ay aalisin na ang harang at makakadaan na ang pedestrians.
Sa pagkakaintindi naman ni Guevarra, isasara ang ilang interior access roads sa NBP para sa security reasons.
Pero ang mga ito ay hindi naman raw makakaapekto sa mga residente kaya hindi na kailangan na abisuhan ang LGU ng Muntinlupa City.
Una nang iginiit ng BuCor ang pagbakod sa kalsada sa NBP Compound ay bilang tugon sa mga iligal na aktibidad sa kulungan.
Moira Encina