2020/ 2021 Bar exams, tuloy sa kabila ng banta ng Omicron variant– Leonen
Kung si Supreme Court Associate Justice at 2020/ 2021 Bar Exams Committee Chairperson Marvic Leonen ang masusunod ay hindi na at ayaw na niyang ipagpaliban ang bar examinations na dalawang beses nang naantala dahil sa pandemya.
Sa forum ng Integrated Bar of the Philippines- Pangasinan Chapter, tinanong si Leonen kung may posibilidad na mai-reschedule muli ang pagsusulit dahil sa banta ng bagong variant ng COVID-19 na Omicron.
Sinabi ni Leonen na tuloy ang pagsisimula ng bar exams sa Enero 16 ng susunod na taon hanggang sa ianunsiyo ng Korte Suprema na ito ay kanselado.
Batay din aniya sa mga eksperto na kinuha ng Supreme Court ay tila “clear” naman ang Enero 16.
Wala pa rin naman aniyang kaso ng Omicron sa bansa at wala pang sapat na datos ukol sa bagsik nito bagamat ito ay tila highly transmissible.
Ayon pa sa mahistrado, ayaw na niyang ipagpaliban ang pagsusulit at pinayuhan ang bar examinees na patuloy na mag-ingat.
Inihayag din ni Leonen na ang darating bar exams bukod sa kauna-unahang computerized at localized exams ay ang pinakamalaki dahil sa mahigit 11,790 ang examinees na biggest batch sa kasaysayan ng pagsusulit.
Nasa 7,000 din aniya ang mga tauhan na idi-deploy sa 31 local testing centers kabilang ang mga proctors at volunteers.
Idaraos ang eksaminasyon sa Enero 16, 23, 30, at Pebrero 6 ng susunod na taon.
Moira Encina