Kooperasyon ng lahat ng ahensya ng pamahalaan , private sector at publiko , hiningi ni Pangulong Duterte
Umapela si Pangulong Rodrigo Duterte sa lahat ng ahensiya ng pamahalaan, pribadong sektor at publiko na muling makipag-kaisa sa ikalawang sigwada ng Bayanihan Bakunahan laban sa COVID-19 na isasagawa sa December 15 hanggang December 17.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Karlo Alexi Nograles na kinikilala ng Pangulo ang tagumpay ng unang round ng Bayanihan Bakunahan laban sa COVID-19 na isinagawa noong November 29 hanggang December 1 dahil sa pagkikipagkaisa ng lahat ng ahensiya ng pamahalaan katulong ang pribadong sektor at publiko kung saan umabot sa mahigpit 8 milyong indibidwal ang nabakunahan laban sa COVID-19.
Ayon kay Nograles naniniwala ang Pangulo na magiging matagumpay din ang ikalawang bugso ng Bayanihan Bakunahan laban sa COVID-19 sa pamamagitan ng pagtutulungan ng lahat ng sektor upang tuluyan ng mawala ang pandemya ng COVID-19 sa bansa.
Tiniyak naman ng Malakanyang na mayroong sapat na supply ng bakuna na magagamit dahil patuloy ang pagdating sa bansa ng mga anti COVID-19 vaccine na binili ng gobyerno at pribadong sektor maliban sa donasyon ng COVAX facility ng World Health Organization o WHO.
Vic Somintac