DOH CALABARZON target muli na makapagbakuna ng 1M katao sa Bayanihan, Bakunahan 2
Magbabakuna muli ang DOH CALABARZON ng isang milyong indibiduwal sa rehiyon para sa ikalawang bahagi ng Bayanihan, Bakunahan na isasagawa simula ngayong December 15 hanggang December 17.
Inamin ni DOH CALABARZON Regional Director Ariel Valencia na ang rehiyon pa rin ang may pinakamataas na bilang ng mga unvaccinated individuals na 3.10 milyong katao at 2.4 milyong katao na naghihintay ng kanilang second dose ng bakuna.
Ayon sa opisyal, target nila na makapagbakuna nang mahigit 300,000 katao sa tatlong araw ng National Vaccination Days.
Sa naunang Bayanihan, Bakunahan noong November 29 hanggang December 1, ang CALABARZON ang may pinakamaraming naturukan ng COVID vaccines na nasa 1.14 milyong katao.
Ang Laguna naman ang top 1 sa CALABARZON at buong bansa na nakapagturok ng lagpas 272,000 doses.
Umapela si Valencia ng suporta sa mga LGUs, partner agencies, volunteers, at mga pribadong sektor upang maging matagumpay ang part 2 ng Bayanihan, Bakunahan.
Moira Encina