Resolusyon ng Dengvaxia cases, nahaharap sa maraming delay sa hukuman
Aminado ang Public Attorney’s Office (PAO) na maraming delay pa ang mangyayari bago maresolba at madesisyunan ng korte ang mga Dengvaxia cases.
Sinabi ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta na mistulang barkong na naglalayag sa gitna ng bagyo ang mga kaso.
Isa sa mga dahilan aniya ay ang pagkuwestiyon sa Court of Appeals ng mga akusado sa pag-consolidate ng mga kaso.
Ayon kay Acosta, kung hindi naman pagsasamahin sa iisang korte ang mga kaso sa Dengvaxia ay maraming taon ang lilipas bago ito mapagpasyahan.
Ikinadismaya rin nI Acosta ang pagpilit ng DOJ prosecutors na ihain sa MTC ang mga kaso sa kabila ng utos ng Korte Suprema na isang family court sa Quezon City ang dapat na maglitis sa Dengvaxia cases.
Unang ipinatupad ng pamahalaan ang nationwide dengue vaccination program noong 2016.
Itinigil ito noong 2017 matapos na aminin ng manufacturer na maaari itong magdulot ng severe symptoms kung hindi pa nagka-dengue ang tinurukan at kuwestiyunin ng mga kritiko ang tila pagmamadali sa pagbili ng mga bakuna.
Sa kasalukuyan, kabuuang 157 na ang kriminal na kaso na nakasampa sa korte at 68 naman ang civil cases.
Na-consolidate o napagsama na ang 58 civil cases at limang kasong kriminal.
Nakatakdang maghain din ang ahensya ng 16 na karagdagang civil cases sa korte sa Huwebes, December 16.
Ilan sa mga kinasuhan sa Dengvaxia controversy si dating Health Secretary Janette Garin, incumbent Secretary Francisco Duque III, iba pang DOH officials at Sanofi Pasteur executives.
Kabilang sa mga kasong kinakaharap ng mga akusado ay ang reckless imprudence resulting in homicide.
Samantala, tuluy-tuloy din ang isinasagawang autopsies ng PAO sa mga biktima.
Sa pinakahuling bilang, umaabot na sa 165 dead victims ang naisailalim ng ahensya sa forensic examinations habang 2 survivors ang naisailalim sa forensic analysis.
Moira Encina