Digitalization sa gov’t, mahalaga sa paglaban sa kurapsyon
Bahagi ng paggunita sa International Anti-Corruption Day, nagsama-sama sa webinar forum ng US Embassy ang iba’t ibang kinatawan mula sa law enforcement at justice sectors ng bansa.
Layon ng aktibidad na masuri ang mga hamon sa pagpapatupad ng mga anti-corruption measures sa loob ng mga nasabing ahensya.
Ilan sa mga lumahok ang Sandiganbayan, DOJ, DILG, Office of the Ombudsman, PNP, at ang Presidential Anti-Corruption Commission.
Ibinahagi rin ng mga participants ang best practices at strategies upang masawata ang katiwalian sa mga ahensya ng pamahalaan.
Sa kanyang talumpati, ipinunto ni Sandiganbayan Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang ang kahalagahan ng pagyakap sa digitalization at paggamit ng teknolohiya para mabawasan o minimize ang mga oportunidad sa kurapsyon.
Hinamon din niya ang mga participants na maging huwarang lider na may competence at integridad.
Kinilala naman ni US Embassy in the Philippines Chargé d’Affaires ad interim Heather Variava ang mga pinakahuling tagumpay ng bansa sa anti-corruption.
Bumuo rin ang mga participants ng action plan para mapalakas pa ang mga hakbangin kontra katiwalian sa kani-kanilang organisasyon.
Nais mabigyang pansin sa 2021 International Anti-Corruption Day ang mga karapatan at responsibilidad ng lahat sa pagtalakay sa kurapsyon.
Ayon sa UN Office on Drugs and Crime, dapat may polisiya at sistema na nakalatag para makapagsalita laban sa kurapsyon ang mga tao.
Moira Encina