Damage assessment report sa pananalasa ng bagyong Odette mula sa NDRRMC,hinihintay ni Pangulong Duterte – Malakanyang
Hinihintay ni Pangulong Rodrigo Duterte ang damage assessment report mula National Disaster Risk Reduction Management Council o NDRRMC kaugnay ng pananalasa ng bagyong Odette sa ilang bahagi ng Mindanao, Visayas at Luzon.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Karlo Alexi Nograles na bago pa man pumasok sa Philippine Area of Responsibility o PAR ang bagyong Odette ay ipinag-utos na ni Pangulong Duterte sa lahat ng ahensiya ng pamahalaan na dadaanan nito sa pangunguna ng NDRRMC ang kaukulang paghahanda upang mabawasan ang pinsala sa buhay at kabuhayan.
Ayon kay Nograles naka-posisyon ang mga search and rescue team ng national at local government ganun din ang relief operations sa pangunguna ng Department of Social Welfare and Development o DSWD para matulungan ang mga tinamaan ng kalamidad.
Inihayag ni Nograles inaasahan ng Malakanyang na agad na makapagsasagawa ng power restoration at road clearing operations sa mga dinaanan ni Odette upang agad na makarating ang tulong ng gobyerno sa mga sinalanta ng bagyo.
Kaugnay nito nanawagan ang Malakanyang sa mga residenteng dinaanan ni Odette na patuloy na obserbahan ang mga ipinatutupad na health protocol lalo na ang mga nasa evacuation center dahil sa banta ng Omicron variant ng COVID-19.
Vic Somintac