Private hospitals, planong magsagawa ng ‘PhilHealth holiday’ sa Enero 1-5
Planong magsasagawa ng ‘PhiHealth holiday’ ang isang grupo ng private hospitals sa Enero 1-5.
Sinabi ni Dr. Jose Rene De Grano, na kaugnay nito ay hinihikayat ng Private Hospitals Association of the Philippines Inc. (PHAPI) ang kanilang mga miyembro na magsagawa ng “PhilHealth holiday” sa mga nabanggit na petsa, at huwag munang tumanggap ng PhilHealth deductions para sa health services.
Ito ay bilang suporta sa mga pagamutan na nagpoprotesta kaugnay ng mga claim, na hindi pa rin nababayaran ng PhilHealth.
Ayon pa kay De Grano, hindi lahat ng health facilities ay maaaring kaagad na kumalas sa PhilHealth dahil ang ilang serbisyo nito ay dependent sa pagbabayad nito.
Aniya, maaaring mabigat para sa ibang ospital na agad kumalas dahil may mga serbisyo na dependent sa PhilHealth, kaya’t ngayon ay ipakikita nila ang kanilang suporta sa mga ospital na kumakalas.
Matatandaan na ang PhilHealth claims ay lumobo sa panahon ng COVID-19 pandemic.
Una na ring sinabi ng ilang health institutions na plano nilang huwag munang tumanggap ng PhilHealth reimbursements, makaraang maantala ang pagbabayad sa kanila bunsod ng pandemya.