Roxas Boulevard, tatlong buwang isasara ayon sa MMDA
Isasara muna sa mga motorista ang southbound lane ng Roxas Boulevard sa loob ng 2-3 buwan, upang bigyang daan ang rehabilitation works.
Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), ang southbound portion ng Roxas Boulevard ay isasa upang makapagsagawa ng pagkukumpuni ang Department of Public Works and Highways (DWPH) sa nasirang drainage structure sa harap ng Libertad pumping station sa Pasay.
Kahapon ay nag-inspeksiyon si MMDA Chairman Benhur Abalos sa Manila International Container Terminal (MICT) sa Tondo, bilang paghahanda sa pagsasara ng Roxas Boulevard.
Sinabi ni Abalos na nakipagkita siya sa mga opisyal ng DPWH, Department of Transportation, Philippine Ports Authority at International Container Terminal Services Inc., upang pag-usapan ang puwedeng gawing solusyon at maghanap ng mga alternatibong ruta para sa mga trak at trailers, na maaapektuhan ng pagsasara.
Ayon kay Abalos . . . “One of the possible solutions that we are looking at is for the shipping containers to be carried on barges and transported from the MICT going to the Cavite Gateway Terminal in Barangay Tanza. We are studying all options to alleviate traffic gridlocks it would generate.”
Ayon sa MMDA, hindi pa nila madetermina kung ang isang bahagi ng southbound direction ng Roxas Boulevard sa harap ng HK Sun Plaza ay lubusan o bahagya lamang na isasara sa mga sasakyan.
Humingi naman ng pang-unawa mula sa publiko si Abalos, para sa idudulot na “inconvenience” sa pagsasara ng Roxas Boulevard.
Aniya . . . “The structural integrity of the damaged drainage is at stake. This is temporary. The construction will take at least three months.”
Sinabi naman ni Transportation Secretary Arthur Tugade, na tutulong ang Cavite Gateway Terminal para sa maayos na biyahe ng mga container truck.
Ayon sa MMDA, para sa rehabilitasyon ng nasirang drainage box culvert, ay kailangang isara ang southbound lane ng Roxas Boulevard kung saan hindi bababa sa isanglibong cargo truck at trailers ang dumaraan araw-araw.