Anim arestado sa Hong Kong dahil sa ‘seditious publication’
Anim na kasalukuyan at dating staff ng isang local news outlet na Stand News ang inaresto ngayong Miyerkoles ng Hong Kong authorities, kaugnay ng mga paratang ng “seditious publication.”
Ayon sa pulisya, higit 200 unipormado at naka-sibilyang mga pulis ang idineploy para i-search ang tanggapan ng publikasyon sa Kwun Tong district.
Ang Stand News ang ikalawang Hong Kong media company na target ng national security police kasunod ng Apple Daily, na nagsra na noong June matapos i-freeze ng mga awtoridad ang kanilang assets sa ilalim ng isang national security law na ipinataw ng Beijing para pigilan ang mga tumututol.
Arestado rin maging ang local pop star na si Denise Ho, na kabilang sa board ng Stand News subali’t nagbitiw na nitong Nobyembre.
Ilang sandali bago mag-umaga, ibrinodcast ng live ng Stand News sa Facebook na nasa labas ng pinto ng kanilang deputy assignment editor na si Ronson Chan ang mga kagawad ng national security police.
Sa maikling video, sinabi ng mga opisyal kay Chan na mayroon silang warrant ng korte para imbestigahan ang mga paratang ng “conspiracy to publish seditious publication,” at dapat nang ihinto ni Chan ang pagkuha at pagbuo ng news videos.
Si Chan, na siya ring chairman ng Hong Kong Journalists Association, ay napaulat na inatasang tumulong sa pulisya sa kanilang imbestigasyon subalit hindi kasama sa inaresto.
Ang iba pang inaresto ay ang barrister at dating pro-democracy lawmaker na si Margaret Ng, at ang dating Stand News editor-in-chief na si Chung Pui-kuen.