Pasok sa Korte Suprema, suspendido ng tatlong araw dahil sa mga positibong kaso ng COVID-19 sa hanay ng court personnel
Walang pasok sa Korte Suprema simula ngayong Lunes, Enero 3 hanggang sa Miyerkules, Enero 5.
Nagdeklara ng work suspension sa loob ng tatlong araw si Chief Justice Alexander Gesmundo matapos na nagpositibo sa antigen testing ang maraming kawani ng Supreme Court mula noong Disyembre 27.
Nabatid din sa contact tracing na ang mga nagpositibong tauhan ay nagkaroon ng close physical contact sa iba pang empleyado ng SC.
Magsasagawa ng disinfection sa buong premises ng Korte Suprema at sasailalim sa COVID testing ang lahat ng empleyado sa mga nabanggit na araw.
Tuloy naman ang naka-iskedyul na booster vaccination ngayong Lunes at ang en banc session ng mga mahistrado sa Martes.
Obligado rin na pumasok nang pisikal sa SC ang mga concerned employees ng Office of the Bar Chair at Office of the Bar Confidant na kasama sa paghahanda sa 2020/2021 Bar Exams.
Kailangan din na magtrabaho on-site ang mga kawani ng Medical and Dental Services, Office of the Administrative Services, at Receiving Section ng Judicial Records Office para sa e-filing.
Moira Encina