Rebyu sa war on drugs at anti-corruption campaign, ipaprayoridad ng DOJ sa huling anim na buwan ng Duterte admin
Inilatag ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang mga priority projects ng DOJ sa huling anim na buwan ng pamahalaang Duterte.
Una sa ipaprayoridad ni Guevarra ay ang pagrebyu sa giyera kontra droga ng gobyerno.
Ikalawa ay ang implementasyon ng Philippines- UN Joint Program para sa pagsusulong at proteksyon ng karapatang pantao.
Panghuli ay ang pagpapaigting sa kampanya kontra kurapsyon sa pamahalaan.
Sinabi ni Guevarra na nakatakdang isumite
ng NBI ang inisyal na report nito sa 52 kaso ng drug war-related killings na inendorso ng DOJ para sa case build-up.
Nakikipag-ugnayan naman aniya ang iba’t ibang piskalya sa mga rehiyon sa PNP para masuri ang libu-libong administrative disciplinary cases laban sa mga pulis na dawit sa mga kuwestiyonableng anti-drugs operations.
Samantala, para mapalakas ang kampanya laban sa katiwalian sa pamahalaan, ilulunsad ngayong Enero ang isang advocacy campaign sa lahat ng media platforms.
Ayon kay Guevarra, pangungunahan ng Task Force Against Corruption na pinamumunuan ng DOJ ang kampanya.
Nakatakda ring simulan ng DOJ ang deployment ng mga resident ombudsmen sa mga piling ahensya ng gobyerno.
Sa nasabing programa, maglalagay ang DOJ ng
mga piskal at COA auditors bilang resident ombudsmen sa mga ahensya para magsilbing watchdogs at implementors ng corruption prevention programs.
Una nang tinukoy ng DOJ na may mataas na corruption risk at lalagyan ng resident ombudsmen ang DPWH, Bureau of Customs, BIR, Land Registration Authority, at PhilHealth.
Moira Encina