DQ cases laban kay BBM, posibleng mabasura lang– ex- Ateneo dean
Malaki umano ang posibilidad na mabasura ang disqualification cases laban kay presidential aspirant Bongbong Marcos.
Paliwanag ni Atty. Tony La Viña, dating dean ng Ateneo de Manila School of Government, hindi dapat madiskwalipika ang isang leading candidate na may malaking suporta mula sa taumbayan.
Kapag nangyari ito, tila ipinagkakait na aniya sa mga ito ang kanilang gusto.
Batay aniya sa political 101, may mga bagay na ang taongbayan ang dapat magdesisyon at hindi ang korte.
Naniniwala si La Viña na ipauubaya na ng Commission on Elections at ng Supreme Court sa taongbayan ang pagdi-desisyon sa usapin sa pamamagitan ng kanilang magiging boto sa halalan.
Isa pang legal argument ay nasunod naman aniya ni Marcos ang lahat ng mga kwalipikasyon ng isang presidential candidate na nakasaad sa Konstitusyon.
Maliban kay La Viña, ilan pang law experts na
nagsabing mahina ang mga petition for disqualification na isinampa laban kay Marcos ay sina Emmanuel Samonte Tipon, isang Filipino lawyer na naka-base sa Estados Unidos at dating dean ng Northwestern University College of Law, Ateneo law professor at dating Justice Secretary Alberto Agra, at University of Sto. Tomas College of Law Dean Nilo Divina.
Ang mga petisyon na layong madiskwalipika si Marcos ay nakabatay sa naging conviction rito noon ng korte dahil sa hindi paghahain ng income tax return.
Madelyn Moratillo